23 At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na siyang unang kaloob ng Dios ay dumaraing din habang naghihintay tayo na matubos ang ating mga katawan at mahayag ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Dios.
24 Ligtas na tayo at naghihintay na lang na maging ganap ang kaligtasang ito. Umaasa tayo dahil wala pa ang inaasahan natin. Aasa pa ba tayo kung nariyan na ang ating inaasahan?
25 Pero kung ang inaasahan natiʼy wala pa, maghihintay tayo nang may pagtitiyaga.
26 Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa kahinaan natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Dios para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin.
27 At ang anumang nais sabihin ng Banal na Espiritu ay alam ng Dios na siyang sumisiyasat sa puso ng mga tao. Sapagkat namamagitan ang Banal na Espiritu para sa mga mananampalataya, kung ano ang ayon sa kalooban ng Dios.
28 Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin.
29 Sapagkat alam na ng Dios noon pa man kung sinu-sino ang kanyang magiging mga anak. At silaʼy itinalaga niyang matulad sa kanyang Anak na si Jesus para siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid.