19 Kinabukasan, maagang bumangon si Elkana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Hanna at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Hanna na bigyan siya ng anak.
20 At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel, dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”
21 Muling dumating ang panahon na si Elkana at ang buo niyang pamilya ay maghahandog sa Panginoon gaya ng ginagawa nila taun-taon. Ito rin ang panahon na maghahandog siya bilang pagtupad sa panata niya sa Panginoon.
22 Pero hindi sumama si Hanna. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Kapag naawat na ang sanggol sa pagsuso sa akin, dadalhin ko siya sa bahay ng Panginoon para ihandog sa kanya. Doon na siya titira sa buong buhay niya.”
23 Sumagot si Elkana, “Gawin mo kung ano ang sa tingin moʼy mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa maawat mo na ang sanggol. Tulungan ka sana ng Panginoon na matupad ang ipinangako mo sa kanya.” Kaya nagpaiwan si Hanna at inalagaan ang kanyang anak.
24 Nang maawat na ang bata, dinala siya ni Hanna sa bahay ng Panginoon sa Shilo. Nagdala rin siya ng tatlong taong gulang na toro, kalahating sako ng harina at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan.
25 Matapos katayin ang toro, dinala nila si Samuel kay Eli.