1 Isang araw, sinabi ni Jonatan sa binata na tagapagdala ng kanyang armas, “Halika, pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteo.” Pero hindi niya ito sinabi sa kanyang ama.
2 Si Saul naman noon ay nasa ilalim ng punong pomegranata sa Migron, na nasa labas ng Gibea, at kasama ang 600 niyang tauhan sa di-kalayuan.
3 Naroon din ang paring si Ahia na nakasuot ng espesyal na damit ng pari. Si Ahia ay anak ni Ahitub na kapatid ni Icabod. Si Ahitub ay anak ni Finehas na anak naman ni Eli na pari na naglingkod noon sa Shilo. Walang nakakaalam na umalis si Jonatan.
4 May bangin sa magkabilang gilid ng dinadaanan ni Jonatan papunta sa kampo ng mga Filisteo; ang isaʼy tinatawag na Bozez at ang isaʼy tinatawag na Sene.
5 Ang isaʼy nasa gawing hilaga at nakaharap sa Micmash, at ang isaʼy nasa gawing timog at nakaharap sa Gibea.
6 Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Puntahan natin ang kampo ng mga taong iyon na hindi kumikilala sa Dios. Baka sakaling tulungan tayo ng Panginoon, dahil walang makakapigil kung loloobin niyang magtagumpay tayo, kahit marami o kakaunti tayo.”
7 Sinabi ng tagapagdala niya ng armas, “Gawin nʼyo po ang anumang iniisip ninyo. Kasama nʼyo ako kahit ano ang mangyari.”
8 Sinabi ni Jonatan, “Tayo na, pupuntahan natin sila at magpapakita tayo sa kanila.
9 Kung sasabihin nilang sila ang lalapit sa atin para makipaglaban, hindi na tayo aakyat pa sa kanila, hihintayin na lang natin sila.
10 Pero kung sasabihin nilang tayo ang lumapit, aakyat tayo dahil iyon ang tanda na ipapatalo sila sa atin ng Panginoon.”
11 Nang magpakita silang dalawa roon sa mga Filisteo, sumigaw ang mga Filisteo, “Tingnan ninyo ang mga Hebreo! Naglalabasan na sila mula sa pinagtataguan nila.”
12 At sinigawan nila sina Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas, “Lumapit kayo rito, nang maturuan namin kayo ng leksyon.” Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Halika, sumunod ka sa akin dahil tutulungan tayo ng Panginoon na talunin sila ng Israel.”
13 Kaya gumapang si Jonatan paakyat, kasunod ang tagapagdala niya ng armas. Pinatay ni Jonatan ang mga Filisteo at ganoon din ang ginawa ng tagapagdala niya ng armas.
14 Sa unang pagsalakay na ito, napatay nila ang 20 Filisteo at nagkalat ang mga bangkay ng mga ito sa kalahating ektaryang lupa roon.
15 Natakot nang matindi ang mga Filisteong nasa kampo, nasa bukid, at pati na ang mga sundalo nilang sasalakay. At lumindol, kaya lalo pang tumindi ang takot nila.
16 Doon sa Gibea, sa lupain ng Benjamin, nakita ng mga tagapagbantay ni Saul ang mga sundalong Filisteo na nagtatakbuhan papunta sa ibaʼt ibang direksyon.
17 Sinabi ni Saul sa mga tauhan niya, “Tipunin ninyo ang mga sundalo at tingnan kung sino ang nawawala.” At nalaman nila na wala si Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas.
18 Sinabi ni Saul kay Ahia, “Dalhin dito ang Kahon ng Dios.” (Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ay nasa mga Israelita.)
19 Habang nakikipag-usap si Saul sa pari, lalo pang lumakas ang sigawan at kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo kaya sinabi ni Saul kay Ahia, “Hayaan mo na. Itigil mo na iyan.”
20 Agad na tinipon ni Saul ang mga tauhan niya at sumugod sa digmaan. Nakita nila ang mga Filisteo na nagkakagulo at sila-sila ang nagpapatayan.
21 Pati na ang mga Hebreong dating kakampi ng mga Filisteo ay pumunta sa kampo ng mga Israelita at kumampi kina Saul at Jonatan.
22 Nang makita ng lahat ng mga Israelitang nagtatago sa kaburulan ng Efraim na nagsisitakas ang mga Filisteo, sumama na rin sila sa paghabol.
23 Nang araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita at umabot pa ang digmaan hanggang sa Bet Aven.
24 Nang araw na iyon, nanghina ang mga Israelita sa gutom dahil pinanumpa sila ni Saul, na sinabi, “Sumpain ang sinumang kakain ng pagkain bago gumabi, hanggaʼt hindi pa ako nakakapaghiganti sa aking mga kalaban.” Kaya walang kumain kahit isa sa kanila.
25 Pumunta ang lahat ng sundalo sa kagubatan, kung saan may mga pulot na tumutulo sa lupa.
26 Hindi nila ito tinikman man lang dahil natatakot sila sa sumpa.
27 Pero hindi narinig ni Jonatan na pinanumpa ng kanyang ama ang mga tao, kaya isinawsaw niya ang dulo ng isang patpat sa pulot at kinain ito. Pagkakain niya, bumuti ang pakiramdam niya.
28 Nakita siya ng isa sa mga tauhan at sinabi sa kanya, “Pinanumpa ng inyong ama ang buong hukbo na huwag kumain ngayong araw na ito kaya hinang-hina na kami.”
29 Sinabi ni Jonatan, “Hindi tama ang ginagawa niya sa bayan natin. Tingnan mo kung paano bumuti ang pakiramdam ko nang tumikim ako ng kaunting pulot.
30 Ano pa kaya kung pinayagan silang kumain ng mga masasamsam natin sa ating mga kalaban, siguro mas marami pa tayong napatay na mga Filisteo.”
31 Nang araw na iyon, matapos talunin ng mga Israelita ang mga Filisteo mula sa Micmash hanggang sa Ayalon, napagod at nagutom sila nang husto.
32 Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga tupa at baka na kanilang nasamsam, at doon mismo ay kinatay nila ang mga ito at kinain nang hindi inalisan ng dugo.
33 May nagsabi kay Saul, “Tingnan nʼyo, nagkakasala sa Panginoon ang mga tauhan ninyo dahil kumain sila ng karneng may dugo pa.” Sinabi ni Saul, “Isang malaking pagtataksil ito! Humanap kayo ng isang malaking bato at pagulungin nʼyo rito.
34 At puntahan nʼyo ang mga tauhan ko at sabihan silang dalhin dito ang mga baka at tupa. Dito nila katayin at kainin ang mga ito. Sabihin nʼyo rin sa kanila na huwag silang magkasala sa Panginoon dahil sa pagkain ng karneng may dugo pa.” Kaya nang gabing iyon, dinala ng mga tauhan ni Saul ang kanilang mga baka at tupa sa kanya at doon kinatay.
35 Gumawa naman si Saul ng altar para sa Panginoon. Ito ang unang altar na ginawa niya.
36 Sinabi ni Saul, “Sasalakayin natin ngayong gabi ang mga Filisteo at tatalunin natin sila hanggang sa umaga, sasamsamin natin ang mga ari-arian nila at papatayin silang lahat. Wala tayong ititirang buhay.” Sumagot ang mga tao, “Gawin nʼyo po kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti.” Pero sinabi ng pari, “Tanungin muna natin ang Dios tungkol sa bagay na ito.”
37 Kaya nagtanong si Saul sa Dios, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo ba sila sa amin?” Pero hindi sumagot ang Dios nang araw na iyon.
38 Kaya sinabi ni Saul sa mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel, “Magtipon kayong lahat dito, kailangang malaman natin ang nagawa nating kasalanan sa araw na ito.
39 Isinusumpa ko sa ngalan ng buhay na Panginoon na nagligtas sa mga Israelita, mamamatay ang nagkasala kahit na siya ay ang anak kong si Jonatan.” Pero wala ni isa mang nagsalita sa mga Israelita.
40 Sinabi pa niya sa lahat ng mga Israelita, “Tumayo kayo riyan at tatayo rin kami ng anak kong si Jonatan.” Pumayag naman ang mga tao.
41 Pagkatapos, nanalangin si Saul, “Panginoon, Dios ng Israel, ipaalam nʼyo po sa amin kung sino ang nagkasala.” Sa pamamagitan ng palabunutan, sina Saul at Jonatan ang napiling nagkasala at hindi ang mga tao.
42 Sinabi ni Saul, “Magpalabunutan naman tayo ngayon para malaman kung sino sa aming dalawa ni Jonatan ang nagkasala. At si Jonatan ang nabunot.”
43 Tinanong ni Saul si Jonatan, “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Jonatan, “Isinawsaw ko po ang dulo ng patpat ko sa pulot at kumain ako ng kaunti. Karapat-dapat po ba akong mamatay?”
44 Sinabi ni Saul, “Oo, dapat kang mamatay. Lubos sana akong parusahan ng Dios kung hindi kita ipapatay.”
45 Pero sinabi ng mga tao kay Saul, “Si Jonatan po ang nagpanalo sa atin, at ngayon, papatayin natin siya? Hindi po maaari! Sumusumpa kami sa buhay na Panginoon na wala ni isa sa buhok niya ang mahuhulog sa lupa, dahil ang Dios po ang tumulong sa kanya sa ginawa niya sa araw na ito.” At hindi nga pinatay si Jonatan dahil iniligtas siya ng mga Israelita.
46 Ipinatigil na ni Saul ang paghabol sa mga Filisteo at bumalik na ang mga Filisteo sa kanilang lugar.
47 Nang maghari si Saul sa Israel, nakipaglaban siya sa mga kalaban nila sa paligid. Ang mga kalaban niya ay ang mga Moabita, Ammonita, Edomita, hari ng mga Zobita at mga Filisteo. Natatalo niya ang sinumang makalaban niya.
48 Buong tapang siyang nakipaglaban at natalo niya ang mga Amalekita. Sa pamamagitan nito, iniligtas niya ang mga Israelita sa kamay ng mga sumasalakay sa kanila at sumamsam ng kanilang mga ari-arian.
49 Ang mga anak na lalaki ni Saul ay sina Jonatan, Ishvi, at Malki Shua; si Merab naman ang kanyang panganay na babae, at si Mical ang bunsong babae.
50 Ang asawa ni Saul ay si Ahinoam na anak ni Ahimaaz. Ang pinuno ng kanyang hukbo ay ang pinsan niyang si Abner, anak ng tiyuhin niyang si Ner.
51 Ang ama ni Saul na si Kish at ang ama ni Abner na si Ner ay magkapatid, silaʼy mga anak ni Abiel.
52 Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, naging matindi ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Kapag may nakikita si Saul na malakas at magiting na lalaki, ginagawa niya itong sundalo niya.