1 Samuel 24 ASND

Hindi Pinatay ni David si Saul

1 Nang bumalik si Saul mula sa pakikipaglaban sa mga Filisteo, sinabi sa kanya na naroon si David sa disyerto ng En Gedi.

2 Kaya pumili si Saul ng 3,000 tao galing sa buong Israel at lumakad sila para hanapin si David, malapit sa mabatong lugar na tinitirhan ng maiilap na kambing.

3 Nakarating si Saul sa kulungan ng mga tupa sa tabi ng daan, kung saan may kweba roon. Pumasok siya sa loob ng kweba at doon dumumi. Doon pala sa kaloob-loobang bahagi ng kweba nagtatago si David at ang mga tauhan niya.

4 Sinabi ng mga tauhan ni David, “Dumating na ang panahong sinabi ng Panginoon na ibibigay niya sa iyo ang iyong kaaway at ikaw na ang bahala kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Dahan-dahang lumapit si David kay Saul at pumutol ng kapirasong tela sa laylayan ng damit nito nang hindi nito namamalayan.

5 Pero nakonsensya si David dahil pinutol niya ang laylayan ng damit ni Saul.

6 Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na gawan ko ng masama ang aking hari, ang hinirang ng Panginoon na maging hari.”

7 Sa sinabing ito ni David, sinaway niya ang kanyang mga tauhan, at hindi niya sila pinayagang salakayin si Saul. Umalis si Saul at nagpatuloy sa paglalakbay.

8 Maya-maya, lumabas ng kweba si David at tinawag si Saul, “Mahal na Hari!” Nang lumingon si Saul, nagpatirapa si David sa kanyang harapan bilang paggalang.

9 At sinabi niya kay Saul, “Bakit kayo naniniwala sa mga taong nagsasabi na nagbabalak akong patayin kayo?

10 Sa araw na ito, nakita nʼyo kung paano kayo ibinigay ng Panginoon sa aking mga kamay doon sa loob ng kweba. Sinabi sa akin ng iba kong mga tauhan na patayin kayo pero hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko sasaktan ang aking hari dahil pinili siya ng Panginoon na maging hari.

11 Ama ko, tingnan ninyo ang kapirasong tela na hawak ko, galing ito sa laylayan ng damit ninyo. Pinutol ko ito pero hindi ko kayo pinatay. Nagpapatunay ito na wala akong masamang plano o pagrerebelde laban sa inyo. Wala akong kasalanan sa inyo, pero tinutugis nʼyo ako para patayin.

12 Ang Panginoon sana ang humatol sa ating dalawa, at parusahan kayo ng Panginoon sa mga ginagawa nʼyo sa akin. Pero wala akong gagawing masama sa inyo,

13 sabi nga ng kasabihan, ‘Ang masamang tao lang ang gumagawa ng masama.’ Kaya hindi ko kayo gagawan ng masama.

14 Sino po ba ako at hinahabol ako ng hari ng Israel? Katulad lang ako ng isang patay na aso o isang pulgas.

15 Ang Panginoon sana ang humatol at magdesisyon kung sino po ang may kasalanan sa ating dalawa. Sanaʼy mapansin niya at matugunan ang usaping ito at mailigtas ako mula sa iyong mga kamay.”

16 Matapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “Ikaw ba iyan, David, anak ko?” At humagulgol si Saul.

17 Sinabi pa niya, “Mas matuwid ka kaysa sa akin. Masama ang trato ko sa iyo pero mabuti ang iginanti mo sa akin.

18 Sa araw na ito, ipinakita mo ang iyong kabutihan. Ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay mo para patayin pero hindi mo ito ginawa.

19 Ang ibaʼy hindi pinababayaang makatakas ang kanilang kaaway kapag nakita na nila ito. Gantimpalaan ka sana ng Panginoon sa kabutihang ipinakita mo sa akin ngayon.

20 Tinatanggap ko na ngayon, ikaw na ang magiging hari at ang kaharian ng Israel ay magiging matatag sa ilalim ng iyong pamumuno.

21 Ngayon, mangako ka sa akin sa pangalan ng Panginoon na hindi mo papatayin ang aking angkan para hindi mawala ang pangalan ng pamilya ko.”

22 Kaya sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos, umuwi si Saul, pero si David at ang mga tauhan niyaʼy bumalik sa pinagtataguan nila.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31