1 Nakarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag nang ikatlong araw. Sinalakay ng mga Amalekita ang Negev at Ziklag. Nilusob nila ang Ziklag at sinunog ito.
2 Binihag nila ang mga babae at ang lahat ng tao dito, bata man o matanda. Walang pinatay kahit isa pero binihag nila ang mga ito sa kanilang pag-alis.
3 Nang makarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag, nakita nila na nasunog na ang kanilang lugar at ang kanilang mga asawaʼt anak ay binihag.
4 Kaya si David at ang mga tauhan niya ay umiyak nang husto hanggang maubusan sila ng lakas dahil sa pag-iyak.
5 Kasama sa mga bihag ang dalawang asawa ni David na si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na biyuda ni Nabal.
6 Sobrang nag-alala si David dahil masama ang loob ng kanyang mga tauhan sa pagkabihag ng mga asawaʼt anak nila, at balak nilang batuhin siya. Pero pinalakas siya ng Panginoon na kanyang Dios.
7 Kaya sinabi ni David sa paring si Abiatar, na anak ni Ahimelec, “Dalhin mo sa akin ang espesyal na damit ng pari.” Dinala nga ito ni Abiatar sa kanya.
8 Nagtanong si David sa Panginoon, “Hahabulin ko po ba ang mga sumalakay sa amin? Matatalo ko po ba sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, habulin mo sila. Siguradong matatalo mo sila at maililigtas mo ang mga bihag.”
9 Kaya lumakad si David kasama ang 600 niyang tauhan at nakarating sila sa lambak ng Besor. Nagpaiwan doon
10 ang 200 niyang tauhan dahil pagod na pagod na sila para tumawid pa sa lambak. Pero nagpatuloy si David sa paghabol kasama ang 400 niyang tauhan.
11 Nakita ng ilang mga tauhan ni David ang isang Egipcio sa bukid. Dinala nila ito kay David, at binigyan nila ng tubig at tinapay.
12 Binigyan din nila ang Egipcio ng kapirasong tuyong igos at dalawang tumpok ng pasas, dahil tatlong araw na siyang hindi kumakain ni umiinom. Pagkatapos niyang kumain, nanumbalik ang kanyang lakas.
13 Tinanong siya ni David, “Sino ang amo mo? Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong Egipcio, at alipin ng isang Amalekita. Iniwan ako ng amo ko, tatlong araw na po ang nakakaraan dahil nagkasakit ako.
14 Bigla po naming sinalakay ang mga Kereteo sa Negev, sa lupain ng Juda at ganoon din ang katimugang bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga angkan ni Caleb. Sinunog din po namin ang Ziklag.”
15 Nagtanong si David sa kanya, “Masasamahan mo ba kami sa mga taong mga taong bumihag sa pamilya namin?” Sumagot siya, “Opo. Kung maipapangako nʼyo sa pangalan ng Dios na hindi nʼyo ako papatayin o ibabalik sa aking amo, sasamahan ko po kayo sa kanila.”
16 Kaya sinamahan ng Egipcio sina David sa mga Amalekita. Doon, nadatnan nila ang mga Amalekitang nakakalat na kumakain, umiinom at nagkakasayahan, dahil marami silang nasamsam sa lupain ng mga Filisteo at Juda.
17 Sinalakay sila ni David at ng mga tauhan niya, mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinagabihan ng sumunod na araw. Walang nakatakas sa mga Amalekita, maliban sa 400 kabataang lalaki na sumakay sa kamelyo nila at tumakas.
18 Nabawi ni David ang lahat ng kinuha sa kanila ng mga Amalekita pati ang dalawa niyang asawa.
19 Walang nawala, bata man o matanda, lalaki man o babae, o kahit ano sa mga nakuha ng mga Amalekita. Nabawing lahat ni David ang mga ito.
20 Pagkatapos, nakuha rin niya ang lahat ng tupa at baka, at pinauna ng mga tauhan niya ang mga hayop na ito sa harapan ng iba pang mga hayop habang sinasabi, “Ito ang mga samsam para kay David.”
21 Nang makarating na sina David sa lambak ng Besor, sinalubong sila ng 200 niyang tauhan na hindi nakasama dahil sa sobrang pagod. Lumapit sina David sa kanila at binati niya ang mga ito.
22 Pero, may masasama at walang silbing mga tauhan na nagsabi, “Hindi sila dapat bigyan ng bahagi ng mga nasamsam natin sa Amalekita dahil hindi naman sila sumama sa atin. Kunin na lang nila ang mga asawaʼt anak nila at umalis na sila.”
23 Sumagot si David, “Mga kapatid, hindi tama iyan. Huwag ninyong ipagdamot ang ibinigay ng Panginoon sa atin. Iningatan niya tayo at tinulungang magtagumpay sa ating mga kaaway.
24 Sino sa tingin ninyo ang makikinig sa inyo? Dapat bigyan ang lahat. Pareho lang ang bahagi ng mga nagpaiwan para magbantay sa kagamitan at ng mga sumama sa labanan.”
25 Ang tuntuning ito ay ginawa ni David para sundin ng mga Israelita, at ipinapatupad pa rin ito hanggang ngayon.
26 Nang dumating sila sa Ziklag, pinadalhan niya ng ilang bahagi ng mga nasamsam nila ang mga kaibigan niyang tagapamahala ng Juda, kasama ang mensaheng, “Ito ang regalo ko sa inyo galing sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ng Panginoon.”
27 Ipinadala ang mga ito sa mga sumusunod na bayan: Betel, Ramot Negev, Jatir,
28 Aroer, Sifmot, Estemoa,
29 Racal, sa mga bayan ng mga Jerameelita at mga Keneo,
30 sa Horma, Bor Ashan, Atac,
31 Hebron at iba pang mga lupain na kanilang napuntahan.