1 Samuel 22:3-9 ASND

3 Mula rito, pumunta si David sa Mizpa na sakop ng Moab at sinabi niya sa hari ng Moab, “Nakikiusap ako na payagan ninyo na dito muna manirahan ang aking mga magulang hanggaʼt hindi ko pa natitiyak kung ano ang kalooban ng Dios sa akin.”

4 Pumayag ang hari, kaya iniwan niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab habang nandoon siya sa matatag na kublihan.

5 Isang araw, sinabi ni propeta Gad kay David, “Umalis ka na rito sa pinagtataguan mo at pumunta ka sa Juda.” Umalis nga si David at pumunta sa kagubatan ng Heret.

6 Nabalitaan ni Saul na nahanap na sina David at ang kanyang mga tauhan. Nakaupo noon si Saul sa ilalim ng puno ng tamarisko, doon sa burol ng Gibea. May hawak siyang sibat at nakapalibot sa kanya ang kanyang mga opisyal.

7 Sinabi ni Saul sa kanila, “Makinig kayo, mga taga-Benjamin! Pinangakuan ba kayo ni David na bibigyan kayo ng bukid at ubasan? Pinangakuan ba niya kayong gagawin kayong kumander ng mga sundalo?

8 Iyan ba ang dahilan kung bakit nakipagsabwatan kayo sa kanya laban sa akin? Wala ni isa man sa inyo ang nagsabi sa akin na gumawa ng kasunduan kay David ang anak kong si Jonatan. Hindi man lang kayo nag-alala para sa akin, dahil hindi ninyo sinabi sa akin na inudyukan ng aking anak ang lingkod kong si David na patayin ako gaya ng plano niya ngayon.”

9 Isa sa mga nakatayo kasama ng mga opisyal ni Saul ay si Doeg na taga-Edom. Sinabi niya kay Saul, “Noong naroon po ako sa Nob, nakita ko si David na pumunta kay Ahimelec na anak ni Ahitub.