3 Nakarating si Saul sa kulungan ng mga tupa sa tabi ng daan, kung saan may kweba roon. Pumasok siya sa loob ng kweba at doon dumumi. Doon pala sa kaloob-loobang bahagi ng kweba nagtatago si David at ang mga tauhan niya.
4 Sinabi ng mga tauhan ni David, “Dumating na ang panahong sinabi ng Panginoon na ibibigay niya sa iyo ang iyong kaaway at ikaw na ang bahala kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Dahan-dahang lumapit si David kay Saul at pumutol ng kapirasong tela sa laylayan ng damit nito nang hindi nito namamalayan.
5 Pero nakonsensya si David dahil pinutol niya ang laylayan ng damit ni Saul.
6 Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na gawan ko ng masama ang aking hari, ang hinirang ng Panginoon na maging hari.”
7 Sa sinabing ito ni David, sinaway niya ang kanyang mga tauhan, at hindi niya sila pinayagang salakayin si Saul. Umalis si Saul at nagpatuloy sa paglalakbay.
8 Maya-maya, lumabas ng kweba si David at tinawag si Saul, “Mahal na Hari!” Nang lumingon si Saul, nagpatirapa si David sa kanyang harapan bilang paggalang.
9 At sinabi niya kay Saul, “Bakit kayo naniniwala sa mga taong nagsasabi na nagbabalak akong patayin kayo?