11 Pero huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na ako ang pumatay sa kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang sibat at ang lalagyan niya ng tubig na nasa kanyang ulunan at umalis na tayo.”
12 Kaya kinuha ni David ang sibat at ang lalagyan ng tubig na nasa ulunan ni Saul at umalis na sila. Nakaalis sila nang walang nakakaalam o nakakakita sa nangyari; walang nagising sa kanila dahil pinahimbing ng Panginoon ang kanilang pagtulog.
13 Pagkatapos, umakyat sina David sa burol na nasa kabilang gilid ng kampo hanggang sa di-kalayuan.
14 Sumigaw si David kay Abner na anak ni Ner at sa mga kasama niyang sundalo, “Abner, naririnig mo ba ako?” Sumagot si Abner, “Sino ka? Ano ang kailangan mo sa hari?”
15 Sumagot si David, “Hindi baʼt ikaw ang pinakamagiting na lalaki sa buong Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang hari na iyong amo? May nakapasok diyan para patayin siya.
16 Hindi tamang pabayaan mo ang hari! Isinusumpa ko sa buhay na Panginoon, dapat kang mamatay pati na ang mga tauhan mo dahil hindi ninyo binantayan ang inyong amo, ang haring pinili ng Panginoon. Tingnan nʼyo nga kung makikita pa ninyo ang sibat at lalagyan ng tubig na nasa ulunan niya?”
17 Nakilala ni Saul ang boses ni David, kaya sinabi niya, “David, anak, ikaw ba iyan?” Sumagot si David, “Ako nga po, Mahal na Hari.