6 Kaya nang araw na iyon, ibinigay sa kanya ni Akish ang lugar ng Ziklag. Kaya hanggang ngayon sakop ito ng mga hari ng Juda.
7 Tumira si David sa teritoryo ng mga Filisteo sa loob ng isang taon at apat na buwan.
8 Nang panahong iyon, sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Geshureo, Gizrita at mga Amalekita. Mula pa noong una, ang mga taong itoʼy nakatira na sa lugar na malapit sa Shur papuntang Egipto.
9 Kapag sumasalakay sila David, pinapatay nila ang lahat ng lalaki at babae, at kinukuha ang mga tupa, baka, asno, kamelyo at pati na rin ang mga damit. Pagkatapos, bumabalik sila kay Akish.
10 Kapag itinatanong ni Akish kung saan sila sumalakay nang araw na iyon, sinasabi nilang sinalakay nila ang Negev sa Juda, o sa bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga Jerameelita o sa bahagi ng Negev na tinitirhan ng mga Keneo.
11 Pinapatay nina David ang lahat ng lalaki at babae para walang makarating sa Gat at sabihin kung ano talaga ang ginawa nila. Ito ang madalas niyang ginagawa habang naroon siya sa teritoryo ng mga Filisteo.
12 Pinagkakatiwalaan ni Akish si David kaya nasabi niya sa kanyang sarili, “Natitiyak kong kinamumuhian na si David ng mga kapwa niya Israelita kaya habang buhay na siyang maglilingkod sa akin.”