14-15 Dumating ang kariton sa bukid ni Josue na taga-Bet Shemesh, at tumigil sa tabi ng isang malaking bato. Kinuha ng mga Levita ang Kahon ng Panginoon at ang kahon na may lamang mga gintong estatwa, at ipinatong sa malaking bato. Pagkatapos, sinibak nila ang kariton at inialay ang mga baka sa Panginoon bilang handog na sinusunog, at nag-alay sila ng iba pang mga handog.
16 Nakita ng limang pinuno ng mga Filisteo ang lahat ng ito at pagkatapos ay umuwi sila sa Ekron nang araw ding iyon.
17 Ang limang gintong hugis tumor na ipinadala ng mga Filisteo bilang handog na pambayad ng kasalanan ay galing sa mga pinuno ng Ashdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron.
18 Kasama ng limang gintong hugis daga, ayon na rin sa bilang ng limang bayan ng mga Filisteo. Itong mga napapaderang bayan at ang mga baryo na walang pader ay sakop ng limang pinunong iyon. Ang malaking bato sa bukid ni Josue ng Bet Shemesh na pinagpatungan nila ng Kahon ng Panginoon ay naroon pa hanggang ngayon bilang alaala sa nangyari roon.
19 Ngunit may pinatay ang Dios na 70 tao na taga-Bet Shemesh dahil tiningnan nila ang laman ng Kahon ng Panginoon. Nagluksa ang mga tao dahil sa matinding dagok na ito ng Panginoon sa kanila.
20 Nagtanong sila, “Sino ba ang makakaharap sa presensya ng Panginoon, ang banal na Dios? Saan ba natin ipapadala ang Kahon ng Panginoon para mailayo ito sa atin?”
21 Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga taga-Kiriat Jearim at sinabi roon, “Ibinalik ng mga Filisteo ang Kahon ng Panginoon. Pumunta kayo rito at dalhin ninyo ito sa lugar ninyo.”