10 Sinabi ni Samuel sa mga Israelitang humihingi ng hari ang lahat ng sinabi ng Panginoon.
11 Sinabi niya, “Ito ang gagawin ng hari na mamumuno sa inyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki at gagawin niyang mga sundalo. Ang ibaʼy gagawin niyang mga mangangarwahe, mangangabayo at ang ibaʼy mauuna sa kanyang karwahe.
12 Ang iba sa kanilaʼy gagawin niyang opisyal na mamamahala sa 1,000 sundalo at ang iba naman sa 50 sundalo. Ang ibaʼy pag-aararuhin niya sa kanyang bukid at ang ibaʼy pag-aanihin ng mga pananim niya, ang iba namaʼy gagawin niyang manggagawa ng mga armas para sa digmaan at mga kagamitan para sa kanyang karwahe.
13 Kukunin niya ang mga anak ninyong babae at gagawin niyang mga manggagawa ng pabango, kusinera at panadera.
14 Kukunin niya ang pinakamaganda ninyong mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, at ibibigay niya ang mga ito sa mga tagasunod niya.
15 Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong mga trigo at mga ubas, at ibibigay niya sa mga opisyal at iba pa niyang mga tagasunod.
16 Kukunin din niya ang mga alipin nʼyong lalaki at babae, at ang pinakamaganda ninyong mga baka at mga asno para magtrabaho sa kanya.