1 Noong unang taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, tinupad ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Jeremias. Hinipo niya ang puso ni Cyrus para gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa buo niyang kaharian.
2 “Ito ang mensahe ni Haring Cyrus ng Persia:“Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapatayo ng templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda.
3 Kayong lahat na mamamayan ng Dios, bumalik na kayo sa Jerusalem at muli ninyong ipatayo roon ang templo ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na nakatira sa lungsod na iyon. At samahan niya sana kayo.
4 Ang mga natitirang tao sa mga lugar na tinitirhan nʼyong mga Israelita ay dapat tumulong sa inyong paglalakbay. Magbibigay sila ng mga pilak at ginto, mga kakailanganing bagay, mga hayop, at pagtulong na kusang-loob para sa templo ng Dios sa Jerusalem.”
5 May mga Israelitang hinipo ng Panginoon para bumalik sa Jerusalem. Kaya naghanda silang pumunta roon para ipatayo ang templo ng Panginoon. Kasama sa kanila ang mga pinuno ng mga pamilyang mula sa mga lahi ni Juda at ni Benjamin, pati ang mga pari, at ang mga Levita.
6 Ang ibang mga tao ay tumulong sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gamit na gawa sa pilak at ginto, mga kakailanganing bagay, mga hayop, iba pang mga mamahaling bagay, at pagtulong na kusang-loob para sa templo.
7 Ibinalik din sa kanila ni Haring Cyrus ang mga gamit sa templo ng Panginoon na kinuha ni Haring Nebucadnezar sa Jerusalem at dinala sa templo ng mga dios-diosan niya.
8 Ipinagkatiwala ito ni Haring Cyrus kay Mitredat na ingat-yaman ng kaharian niya. Binilang ito ni Mitredat at ibinigay ang listahan kay Sheshbazar, ang gobernador ng Juda.
11 Sa kabuuan, may mga 5,400 gamit na ginto at pilak. Dinala lahat ito ni Sheshbazar nang bumalik siya sa Jerusalem mula sa Babilonia kasama ng ibang mga bihag.