1 Ngayon, inutusan ng Dios ng Israel, ang mga propeta na sina Hageo at Zacarias na apo ni Iddo para sabihin ang mensahe niya sa mga Judio sa Juda pati na sa Jerusalem.
2 Nakinig sa kanila sina Zerubabel na anak ni Shealtiel at Jeshua na anak ni Jozadak. Kaya ipinagpatuloy nila ang pagpapatayo ng templo ng Dios sa Jerusalem. Tinulungan sila ng dalawang propeta ng Dios.
3 Ngunit hindi nagtagal, dumating sa Jerusalem si Tatenai na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, si Shetar Bozenai, at ang mga kasama nila. Nagtanong sila sa mga Judio, “Sino ang nag-utos sa inyo na ipagpatuloy ang pagpapatayo ng templong ito?”
4 Nagtanong pa sila, “Ano ang pangalan ng mga taong nagtatrabaho rito?”
5-7 Ngunit iningatan ng Dios ang mga tagapamahala ng Judio, kaya nagpasya sina Tatenai, Shetar Bozenai, at ang kanilang kasamang mga opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na hindi muna nila ipapatigil ang pagpapatayo ng templo hanggang sa maipaalam nila ang tungkol dito kay Haring Darius at makatanggap ng kanyang sagot.Ito ang nilalaman ng sulat na ipinadala nila kay Haring Darius:“Mahal na Haring Darius,“Nawaʼy nasa mabuti po kayong kalagayan.
8 “Ipinapaalam po namin, Mahal na Hari, na pumunta kami sa lalawigan ng Juda, doon sa pinagtatayuan ng templo ng makapangyarihang Dios. Malalaking bato ang ginagamit sa pagpapatayo ng templo, at ang mga pader nito ay nilagyan ng mga troso upang tumibay. Ginagawa po nila ito nang may kasipagan, kaya mabilis ang pagpapatayo nito.
9 Tinanong po namin ang mga tagapamahala nila kung sino ang nag-utos sa kanila sa muling pagpapatayo ng templo.
10 At tinanong din namin ang mga pangalan nila para maipaalam namin sa inyo kung sino ang mga namumuno sa pagpapatayo nito.
11 “Ito po ang sagot nila sa amin: ‘Mga lingkod kami ng Dios ng langit at lupa, at muli naming ipinapatayo ang templo na itinayo noon ng isang makapangyarihang hari ng Israel.
12 Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Dios sa langit, pinabayaan niya sila na sakupin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Giniba ni Nebucadnezar ang templong ito at binihag niya sa Babilonia ang aming mga ninuno.
13 Ngunit sa unang taon ng paghahari ni Haring Cyrus sa Babilonia, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios.
14 Ibinalik din niya ang mga kagamitang ginto at pilak ng templo ng Dios. Ang mga ito ay kinuha noon ni Nebucadnezar sa templo ng Jerusalem at inilagay sa templo sa Babilonia. Ipinagkatiwala ni Haring Cyrus ang mga kagamitang ito kay Sheshbazar na pinili niyang gobernador ng Juda.
15 Sinabi ng hari kay Sheshbazar na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem sa dati nitong pinagtayuan, at ilagay doon ang mga kagamitan nito.
16 Kaya pumunta si Sheshbazar sa Jerusalem at itinayo niya ang mga pundasyon ng templo ng Dios. Hanggang ngayon ay ginagawa pa ang templo; hindi pa ito tapos.’
17 “Ngayon, kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, ipasaliksik po ninyo ang mga kasulatan na ipinatago ng mga hari ng Babilonia kung totoo nga bang nag-utos si Haring Cyrus na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem. At agad nʼyo pong ipaalam sa amin kung ano ang inyong pasya tungkol dito.”