1 Nabalitaan ng mga kaaway ng mga taga-Juda at taga-Benjamin na muling ipinapatayo ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang templo ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
2 Kaya pumunta sila kay Zerubabel at sa mga pinuno ng mga pamilya, at nagsabi, “Tutulungan namin kayo sa pagpapatayo ng templo dahil sinasamba rin namin ang Dios nʼyo kagaya ng ginagawa ninyo. Matagal na kaming naghahandog sa kanya, mula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”
3 Ngunit ito ang sagot nina Zerubabel, Jeshua, at ng mga pinuno ng mga pamilya: “Inutusan kami ni Haring Cyrus ng Persia na muling ipatayo ang templo. Ngunit hindi kayo kasama sa pagpapatayo nito para sa aming Dios. Kami lang ang magpapatayo nito para sa Panginoon, ang Dios ng Israel.”
4 Kaya pinahina ang loob at tinakot ng mga taong dati nang nakatira sa lupaing iyon ang mga tao sa Juda para hindi nila maipagpatuloy ang pagpapagawa nila ng templo.
5 Sinuhulan nila ang mga opisyal ng gobyerno ng Persia para salungatin ang mga plano ng mga tao sa Juda. Patuloy nila itong ginagawa mula nang panahon na si Cyrus ang hari ng Persia hanggang sa panahong si Darius na ang hari ng Persia.
6 Nang maging hari si Ahasuerus, ang mga kalaban ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng iba pang mga nakatira sa Juda ay sumulat ng mga paratang laban sa kanila.
7 At kahit na noong si Artaserses na ang hari ng Persia, sumulat din sila sa kanya. Sila ay sina Bishlam, Mitredat, Tabeel, at ang iba pa nilang mga kasama. Isinulat nila ito sa wikang Aramico at isinalin ito sa wika ng mga taga-Persia.
8-11 Sumulat din kay Haring Artaserses si Rehum na gobernador at si Shimsai na kalihim laban sa mga taga-Jerusalem. Ito ang nilalaman ng sulat nila:“Mahal na Haring Artaserses,“Una po sa lahat nangungumusta kami sa inyo, kaming mga lingkod nʼyo rito sa lalawigan ng kanluran ng Eufrates. Kasama po sa mga nangungumusta ay ang mga kasama naming mga pinuno at opisyal, ang mga tao sa Tripolis, Persia, Erec, Babilonia, at ang mga tao sa Susa sa lupain ng Elam. Kinukumusta rin po kayo ng mga taong pinaalis sa kanilang mga lugar ni Osnapar, ang tanyag at makapangyarihan na hari ng Asiria. Itong mga mamamayan ay pinatira niya sa lungsod ng Samaria at sa ibang mga lugar sa kanluran ng Eufrates.
12 “Mahal na Hari, gusto po naming malaman nʼyo na muling ipinapatayo ng mga Judio ang lungsod ng Jerusalem. Ang mamamayan nito ay masasama at rebelde. Dumating ang mga ito sa lungsod mula sa mga lugar na inyong nasasakupan. Inaayos na nga nila ang mga pader pati na po ang mga pundasyon nito.
13 Mahal na Hari, kapag muli pong naipatayo ang lungsod na ito at naayos na ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis at ng iba pang bayarin ang mga tao, at liliit na ang kita ng kaharian.
14 “Dahil nga po may tungkulin kami sa inyo, Mahal na Hari, at hindi namin gustong mapahiya kayo, ipinapaalam namin ito sa inyo
15 para saliksikin po ninyo ang kasulatang itinago ng mga ninuno ninyo. Sa ganoong paraan, malalaman nʼyo po na ang mga nakatira sa lungsod ng Jerusalem ay rebelde mula pa noon. Kaya nga nilipol ang lungsod na ito dahil naging problema ito ng mga hari at ng mga lugar na gustong sumakop dito.
16 Ipinapaalam lang po namin sa inyo, Mahal na Hari, na kung muling maipatayo ang lungsod na ito at maiayos na ang mga pader nito, mawawala sa inyo ang lalawigan na nasa kanluran ng Eufrates.”
17 Ito ang sagot na ipinadala ng hari:“Nangungumusta ako sa iyo Gobernador Rehum, kay Shimsai na kalihim, at sa inyong mga kasama na nakatira sa Samaria at sa iba pang mga lugar sa kanluran ng Eufrates.“Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan.
18 “Ang sulat na inyong ipinadala ay isinalin sa wika namin at binasa sa akin.
19 Nag-utos akong saliksikin ang mga kasulatan, at napatunayan na ang mga dating naninirahan sa Jerusalem ay kumakalaban nga sa mga hari. Nakasanayan na nga ng lugar na iyan ang pagrerebelde laban sa gobyerno.
20 Nalaman ko rin sa pamamagitan ng mga kasulatan na ang Jerusalem ay pinamahalaan at pinagbayad ng buwis at ng iba pang bayarin ng mga makapangyarihang hari, na namuno sa buong lalawigan sa kanluran ng Eufrates.
21 “Ngayon, ipag-utos nʼyong itigil ng mga taong iyan ang muling pagpapatayo ng lungsod hanggaʼt hindi ko iniuutos.
22 Gawin nʼyo agad ito para hindi mapahamak ang kaharian ko.”
23 Pagkatapos basahin kina Rehum, Shimsai, at sa mga kasama nila ang liham ni Haring Artaserses, pumunta agad sila sa Jerusalem at pinilit ang mga Judio na itigil ang muling pagpapatayo ng lungsod.
24 Kaya natigil ang pagpapatayo ng templo ng Dios sa Jerusalem hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia.