1 Habang nakaluhod si Ezra na nananalangin sa harapan ng templo ng Dios, umiiyak siya at nagpapahayag ng mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Maraming Israelitang lalaki, babae, at mga kabataan ang nakapaligid sa kanya na umiiyak din nang malakas.
2 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Shecania na anak ni Jehiel, na angkan ni Elam, “Hindi kami naging tapat sa Dios natin dahil nagsipag-asawa kami ng mga dayuhang babae na galing sa mga sambayanang nasa paligid natin. Pero sa kabila nito, may pag-asa pa rin ang mga mamamayan ng Israel.
3 Kaya ngayon, susundin namin ang payo nʼyo at ng iba pang gumagalang sa mga utos ng ating Dios. Gagawa kami ng kasunduan sa ating Dios na palalayasin namin ang mga babaeng ito pati na ang kanilang mga anak. Tutuparin namin ang sinasabi ng Kautusan.
4 Tumayo po kayo, dahil tungkulin nʼyo na gabayan kami sa mga bagay na ito. Magpakatatag kayo at gawin ang nararapat. Tutulungan namin kayo.”