10 Pagkatapos, tumayo si Ezra na pari at sinabi, “Nagkasala kayo dahil nagsipag-asawa kayo ng mga dayuhan. Dahil dito, dinagdagan nʼyo pa ang kasalanan ng Israel.
11 Ngayon, ipahayag nʼyo ang mga kasalanan nʼyo sa Panginoon ng mga ninuno nʼyo, at gawin nʼyo ang kalooban niya. Ibukod nʼyo ang sarili nʼyo sa mga tao sa paligid ninyo, at hiwalayan nʼyo ang mga asawa nʼyong dayuhan.”
12 Sumagot nang malakas ang buong mamamayan, “Tama ka! Gagawin namin ang sinabi mo.
13 Ngunit ang bagay na ito ay hindi matatapos sa isa o dalawang araw lamang dahil napakarami sa amin ang nakagawa ng ganitong kasalanan. Tag-ulan pa ngayon, at hindi namin kayang magpaulan dito sa labas.
14 Ang mga opisyal na lang natin ang magpaiwan dito at mag-asikaso nito para sa buong mamamayan. Papuntahin na lang dito sa takdang oras ang mga nagsipag-asawa ng dayuhan kasama ang mga tagapamahala at mga hukom ng bayan nila. Gawin natin ito upang mapawi ang matinding galit ng Dios sa atin dahil sa bagay na ginawa natin.”
15 Walang sumuway sa planong ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazea na anak ni Tikva. Sinuportahan din sila nina Meshulam at Shabetai na Levita.
16-17 Tinupad ng mga bumalik sa pagkabihag ang planong iyon. Kaya pumili si Ezra na pari ng mga lalaking pinuno ng mga pamilya, at inilista ang pangalan nila. At nang unang araw ng ikasampung buwan, naupo sila at sinimulan nila ang pagsisiyasat tungkol sa pag-aasawa ng mga Israelita ng mga dayuhang babae. Natapos nila ang pagsisiyasat ng lahat ng kaso nang unang araw ng unang buwan, ng sumunod na taon.