2 Pagkatapos, muling itinayo ang altar ng Dios ng Israel para makapag-alay dito ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises na kanyang lingkod. Ang nagpatayo nito ay si Jeshua na anak ni Jozadak at ang iba pa niyang mga kasamahang pari, at si Zerubabel na anak ni Shealtiel at ang mga kamag-anak niya.
3 Kahit takot sila sa mga tao na dati nang nakatira sa lupaing iyon, itinayo nila ang altar sa dating pinagtayuan nito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa umaga at gabi.
4 Ipinagdiwang din nila ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. At nag-alay sila ng mga handog na sinusunog, na kinakailangang ihandog sa bawat araw ng ganitong pista.
5 Bukod pa sa mga handog na sinusunog, naghahandog din sila ng mga handog sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan, at sa iba pang mga pista sa pagsamba sa Panginoon. At nag-aalay din sila ng handog na kusang-loob para sa Panginoon.
6 Kahit hindi pa nasisimulan ang muling pagpapatayo ng templo ng Panginoon, nagsimula na ang mga Israelita sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog nang unang araw ng ikapitong buwan nang taon ding iyon.
7 Nagbigay ang mga Israelita ng pera na pambayad sa mga tagatabas ng bato at sa mga karpintero. Nagbigay din sila ng mga pagkain, inumin, at langis na pambayad sa mga taga-Sidon at taga-Tyre para sa mga kahoy na sedro na galing sa Lebanon. Ang mga kahoy na ito ay isasakay sa mga barko at dadalhin sa Jopa. Pinahintulutan ito ni Haring Cyrus ng Persia.
8 Sinimulan ang pagpapatayo ng templo nang ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang makabalik ang mga Israelita sa Jerusalem. Tulong-tulong sa pagtatrabaho ang lahat ng nakabalik sa Jerusalem galing sa pagkabihag, kasama na rito sina Zerubabel na anak ni Shealtiel, Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kasamahan niyang pari, at ang mga Levita. Ang pinagkatiwalaan sa pamamahala sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon ay ang mga Levita na nasa edad 20 taon pataas.