Ezra 3:8-13 ASND

8 Sinimulan ang pagpapatayo ng templo nang ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang makabalik ang mga Israelita sa Jerusalem. Tulong-tulong sa pagtatrabaho ang lahat ng nakabalik sa Jerusalem galing sa pagkabihag, kasama na rito sina Zerubabel na anak ni Shealtiel, Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kasamahan niyang pari, at ang mga Levita. Ang pinagkatiwalaan sa pamamahala sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon ay ang mga Levita na nasa edad 20 taon pataas.

9 Silaʼy si Jeshua, ang mga anak niya at mga kamag-anak, si Kadmiel at ang mga anak niya. Silang lahat ay mula sa lahi ni Juda. Tumulong din sa kanila ang mga angkan at mga kamag-anak ni Henadad na mga Levita rin.

10 Nang matapos na ng mga karpintero ang pundasyon ng templo ng Panginoon, pumwesto na ang mga pari na nakasuot ng kanilang damit na pangpari para hipan ang mga trumpeta. Pumwesto rin ang mga Levita, na angkan ni Asaf, sa pagtugtog ng mga pompyang upang purihin ang Panginoon ayon sa kaparaanan na itinuro noon ni Haring David sa Israel.

11 Nagpuri sila at nagpasalamat sa Panginoon habang umaawit ng, “Napakabuti ng Panginoon, dahil ang pag-ibig niya sa Israel ay walang hanggan.” At sumigaw nang malakas ang lahat ng tao sa pagpupuri sa Panginoon dahil natapos na ang pundasyon ng templo.

12 Nandoon ang maraming matatandang pari, mga Levita, at mga pinuno ng mga pamilya na nakakita noon sa unang templo. Umiyak sila nang malakas nang makita nila ang pundasyon ng bagong templo. At marami rin ang sumigaw sa galak.

13 Hindi na malaman ang sigaw ng kagalakan at ang tinig ng pag-iyak dahil napakaingay ng mga tao, at naririnig ito sa malayo.