Ezra 6:8-14 ASND

8 “Iniuutos ko rin na tulungan nʼyo ang mga tagapamahala ng mga Judio na mabayaran agad ang lahat ng gastusin para hindi maabala ang pagtatrabaho nila. Kunin nʼyo ang bayad sa pondo ng kaharian na nanggagaling sa mga buwis ng lalawigan ninyo.

9 Dapat nʼyong bigyan araw-araw ang mga pari sa Jerusalem ng mga pangangailangan nila gaya ng batang toro, lalaking tupa, at batang lalaking tupa bilang handog na sinusunog para sa Dios ng kalangitan, pati na rin trigo, asin, katas ng ubas, at langis. Dapat hindi kayo pumalya sa pagbibigay,

10 para makapag-alay sila ng mga handog na makakalugod sa Dios ng kalangitan, at maipanalangin nila ako at ang mga anak ko.

11 “Iniuutos ko rin na ang sinumang hindi tutupad nito ay tutuhugin ng kahoy na tinanggal sa bahay niya, at ang bahay niya ay gigibain hanggang sa wala nang bahagi nito ang maiwang nakatayo.

12 Nawaʼy ang Dios na pumili sa Jerusalem bilang lugar kung saan siya sasambahin, ang siyang lumipol sa kahit sinong hari o kayaʼy bansa na hindi tutupad sa utos na ito at gigiba ng templong ito sa Jerusalem.“Ako, si Darius, ang nag-utos nito. Dapat itong tuparin.”

13 Tinupad nila Tatenai na gobernador, Shetar Bozenai, at ng mga kasama nila ang utos ni Haring Darius.

14 Kaya patuloy na nagtrabaho ang mga tagapamahala ng mga Judio habang pinapalakas sila ng mga mensahe ng mga propeta na sina Hageo at Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang templo ayon sa utos ng Dios ng Israel na ipinatupad nina Cyrus, Darius, at Artaserses, na magkakasunod na mga hari ng Persia.