10 Tinulungan siya ng Dios dahil itinalaga niya ang sarili niya sa pag-aaral at pagtupad ng Kautusan ng Panginoon, at sa pagtuturo ng mga tuntunin at mga utos nito sa mga Israelita.
11 Ito ang nilalaman ng sulat na ibinigay ni Haring Artaserses kay Ezra na pari at tagapagturo, na lubos na nakakaalam ng mga utos at mga tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga taga-Israel:
12 “Ako si Haring Artaserses ang hari ng mga hari. Nangungumusta ako sa iyo, Ezra, na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan.
13 “Iniuutos ko na kahit sino sa mga Israelita rito sa kaharian ko, pati mga pari at mga Levita, na gustong sumama sa iyo sa pagbalik sa Jerusalem ay maaari mong isama.
14 Inuutusan kita at ng aking pitong tagapayo na alamin mo ang mga nangyayari sa Juda at sa Jerusalem kung talaga bang sinusunod nila ang Kautusan ng iyong Dios, na lubos mong nalalaman.
15 Inuutusan din kita na dalhin mo ang mga ginto at pilak na kusang-loob kong ibinibigay at ng mga tagapayo ko sa Dios ng Israel na nananahan sa Jerusalem.
16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at ginto na matatanggap mo galing sa lalawigan ng Babilonia, pati na rin ang mga kusang-loob na tulong ng mga mamamayan ng Israel at ng mga pari nila para sa templo ng kanilang Dios sa Jerusalem.