18 Ang matitirang ginto at pilak ay pwede nʼyong gamitin ng mga kababayan mo sa kahit anong gusto nʼyo ayon sa kalooban ng Dios.
19 Ngunit ang mga kagamitang ipinagkatiwala sa iyo na gagamitin sa paglilingkod sa templo ng iyong Dios ay ibigay mong lahat sa Dios ng Jerusalem.
20 Kung may iba ka pang kailangan para sa templo, kumuha ka lang ng panggastos sa pondo ng kaharian.
21 “Ako, si Haring Artaserses, ang nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na ibigay nʼyo ang anumang hilingin sa inyo ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan.
22 Bigyan nʼyo siya hanggang 3,500 kilong pilak, 300 sakong trigo, 550 galong alak, 550 galong langis ng olibo, at kahit gaano kadaming asin na kinakailangan.
23 Ibigay nʼyo rin ang lahat ng kinakailangan sa templo ayon sa iniutos ng Dios ng kalangitan. Sapagkat kung hindi, magagalit siya sa kaharian ko at sa mga anak ko.
24 Ipinapaalam din namin sa inyo na huwag ninyong pagbayarin ng buwis at ng iba pang bayarin ang mga pari, mga Levita, mga musikero, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, mga utusan sa templo, at iba pang nagtatrabaho sa templo ng Dios.