18 Dahil tinulungan kami ng Dios, ipinadala nila sa amin si Sherebia, kasama ang kanyang mga anak at mga kapatid niyang lalaki, na ang kabuuang bilang ay 18. Si Sherebia ay maabilidad na tao at mula siya sa pamilya ni Mahli na lahi ni Levi. Si Levi ay anak ni Israel.
19 Ipinadala rin nila si Hashabia at ang mga kapatid at mga pamangkin nitong lalaki na 20 ang bilang, kasama si Jeshaya na galing sa pamilya ni Merari.
20 Ipinadala pa nila ang 220 utusan sa templo. Ang mga utusan sa templo ay pinili noon ni Haring David at ng mga opisyal niya para tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang mga pangalan nila.
21 Doon sa tabi ng Ilog Ahava, sinabi ko sa grupo na mag-ayuno kami at magpakumbaba ng mga sarili namin sa presensya ng aming Dios para hilingin sa kanya na ingatan kami sa paglalakbay, pati ang aming mga anak at mga ari-arian.
22 Sapagkat nahihiya akong humingi sa hari ng mga sundalo at mangangabayo na magbabantay sa amin laban sa mga kalaban habang naglalakbay kami, dahil sinabi na namin sa hari na tinutulungan ng aming Dios ang lahat ng nagtitiwala sa kanya, pero galit na galit siya sa mga nagtatakwil sa kanya.
23 Kaya nag-ayuno at nanalangin kami sa aming Dios na ingatan niya kami, at tinugon niya ang dalangin namin.
24 Pumili ako ng 12 tao mula sa mga namumunong pari, hindi kabilang sina Sherebia, Hashabia, at ang sampu sa kamag-anak nila.