31 Umalis kami sa Ilog Ahava at naglakbay papuntang Jerusalem nang ika-12 araw ng unang buwan. Tinulungan kami ng aming Dios at iningatan kami sa mga kalaban at tulisan habang naglalakbay kami.
32 Pagdating namin sa Jerusalem, nagpahinga muna kami ng tatlong araw.
33 Nang ikaapat na araw, pumunta kami sa templo ng aming Dios at ipinagkatiwala namin ang mga pilak, ginto, at mga kagamitan ng walang kulang kay Meremot na pari na anak ni Uria. Kasama niya si Eleazar na anak ni Finehas at ang dalawang Levita na sina Jozabad na anak ni Jeshua at Noadia na anak ni Binui.
34 Binilang at tinimbang ito lahat, at inilista.
35 Pagkatapos, ang lahat ng bumalik galing sa pagkabihag ay nag-alay sa Dios ng Israel ng mga handog na sinusunog: 12 toro para sa buong Israel, 96 na lalaking tupa, at 77 batang lalaking tupa. Nag-alay din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. Ang lahat ng ito ay ang mga handog na sinusunog para sa Panginoon.
36 Ibinigay din nila sa mga gobernador at mga opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates ang dokumento kung saan nakasulat ang utos ng hari. At ang mga pinunong ito ay tumulong sa mga mamamayan ng Israel at sa templo ng Dios.