Lucas 1 MBB05

Paghahandog

1 Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin.

2 Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga tao na buhat pa sa pasimula ay nakasaksi nito at nangaral ng Magandang Balita.

3 Kaya't matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo

4 upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo.

Ang Pahayag Tungkol sa Pagsilang ni Juan na Tagapagbautismo

5 Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio buhat sa grupo ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elisabet ay mula rin sa angkan ni Aaron.

6 Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon.

7 Wala silang anak dahil baog si Elisabet at kapwa sila matanda na.

8 Isang araw, nanunungkulan ang pangkat ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari.

9 Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso,

10 habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin.

11 Doon ay nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ito sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso.

12 Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito.

13 Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata.

14 Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang

15 sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo.

16 Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos.

17 Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin sa daang matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”

18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.”

19 Sumagot ang anghel, “Ako'y si Gabriel na naglilingkod sa Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito.

20 Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.”

21 Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo.

22 Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.

23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya.

24 Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan.

25 Sinabi ni Elisabet, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!”

Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang

27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David.

28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”

29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap.

30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos.

31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus.

32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang

33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan.”

34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.

35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos.

36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na,

37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”

38 Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.

Ang Pagdalaw ni Maria kay Elisabet

39-40 Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet.

41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo.

42 Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!

43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon?

44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan.

45 Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!”

Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria

46 At sinabi ni Maria,“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,

47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,

48 sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;

49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.Siya'y banal!

50 Ang kanyang kahabagan ay para sa mga taoat sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.

51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,nilito niya ang mga may palalong isip.

52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.

54 Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,at naalala ito upang kanyang kahabagan.

55 Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”

56 Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.

Isinilang si Juan na Tagapagbautismo

57 Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki.

58 Tuwang-tuwa ang kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak nang mabalitaan nilang siya'y pinagpala ng Panginoon.

59 Makalipas ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama,

60 ngunit sinabi ni Elisabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.”

61 “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila.

62 Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol.

63 Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat.

64 Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at nagsimulang magpuri sa Diyos.

65 Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon.

66 Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na nasa kanya ang Panginoon.

Ang Awit ni Zacarias

67 Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:

68 “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.

69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.

70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,

71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.

72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.

73 Ipinangako niya sa ating ninunong si Abraham,

74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,

75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.

76 Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,

77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.

78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.

79 Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.”

80 Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na magpakilala siya sa bansang Israel.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24