Lucas 14 MBB05

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Manas

1 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.

2 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas.

3 Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?”

4 Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi.

5 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang nahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?”

6 Hindi sila nakasagot sa tanong na ito.

Pagmamataas at Pagpapakumbaba

7 Napansin ni Jesus na ang pinipili ng mga panauhin ay ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinhagang ito sa kanila.

8 “Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas marangal kaysa sa iyo.

9 Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan.

10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin.

11 Sapagkat ang nagmamataas ay ibababâ, at ang nagpapakumbabá ay itataas.”

12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at masusuklian na ang iyong ginawa.

13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag.

14 Kapag ganito ang ginawa mo, magiging mapalad ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga banal.”

Ang Talinhaga ng Malaking Handaan

15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya roon, at sinabi sa kanya, “Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!”

16 Sumagot si Jesus, “Isang lalaki ang naghanda ng isang malaking salu-salo, at marami siyang inanyayahan.

17 Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’

18 Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’

19 Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares ng kalabaw at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’

20 Sinabi naman ng isa, ‘Ako'y bagong kasal, kaya't hindi ako makakadalo.’

21 “Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, ‘Magmadali kang pumunta sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lunsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.’

22 At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.’

23 Kaya't sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumunta ka sa mga lansangan at sa mga daan, at pilitin mong pumarito ang sinumang makita mo upang mapuno ang aking bahay.

24 Sinasabi ko sa inyo, isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking handa!’”

Ang Pagiging Alagad

25 Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi,

26 “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin.

27 Ang ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

28 “Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo?

29 Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon.

30 Sasabihin nila, ‘Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.’

31 “O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung ang sampung libong kawal niya ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal?

32 At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo.

33 Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay.

Asin na Walang Alat

34 “Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli?

35 Wala itong kabutihang maibibigay sa lupa, o kahit sa tambakan man ng dumi, kaya't ito'y itinatapon na lamang. Makinig ang may pandinig!”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24