Lucas 10 MBB05

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu't Dalawa

1 Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya.

2 Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani.

3 Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat.

4 Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan.

5 Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’

6 Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan.

7 Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo.

8 Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo.

9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at sabihin sa mga tagaroon, ‘Malapit na kayong pagharian ng Diyos.’

10 Ngunit kung hindi kayo tanggapin sa isang bayan, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin,

11 ‘Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, nabigyan na kayo ng pagkakataong mapagharian ng Diyos!’

12 Sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma!”

Babala sa mga Bayang Ayaw Magsisi

13 “Kawawa kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi.

14 Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa sa kaparusahan sa mga taga-Tiro at taga-Sidon.

15 At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang sa langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay.

16 “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”

Bumalik ang Pitumpu't Dalawa

17 Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa. Iniulat nila sa Panginoon, “Kahit po ang mga demonyo ay sumusuko sa amin dahil po sa kapangyarihan ng inyong pangalan.”

18 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit.

19 Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.

20 Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasuko ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.”

Nagalak si Jesus

21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan ng Espiritu Santo. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at sa mga matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga taong ang kalooban ay tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.

22 “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at ang mga taong ginawang karapat-dapat ng Anak na makakilala sa Ama.”

23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Mapalad kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon.

24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”

Ang Mabuting Samaritano

25 Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?” tanong niya.

26 Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”

27 Sumagot ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’”

28 Sabi ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.”

29 Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?”

30 Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na.

31 Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad.

32 Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad.

33 Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa.

34 Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon.

35 Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.’”

36 At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”

37 “Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng abogado. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Sige ganoon din ang iyong gawin.”

Dumalaw si Jesus kina Marta at Maria

38 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta

39 at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo.

40 Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, “Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.”

41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay,

42 ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24