Mga Awit 60 MBB05

Panalangin Upang Iligtas

Upang Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth. Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomit

1 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.

2 Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.

3 Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.

4 Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)

5 Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.

6 Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,“Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.

7 Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.

8 Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”

9 Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?

10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?

11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;

12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.