19 Ngunit may taga-Nineve na nagsumbong sa hari na ako ang gumagawa nito. Bunga nito'y nagalit sa akin ang hari, kaya't ako'y nagtago. Ngunit nang mabalitaan kong alam na ng hari ang tungkol sa akin at ako'y pinaghahahanap upang patayin, ako'y tumakas dahil sa takot.
20 Sa galit ng hari, lahat ng ari-arian ko'y kanyang sinamsam, maliban sa aking asawang si Ana at anak na si Tobias.
21 Makalipas ang halos apatnapung araw, pinatay si Haring Senaquerib ng dalawa niyang anak na lalaki at pagkatapos ay tumakas ang mga ito patungong kabundukan ng Ararat. Pumalit sa hari ang anak niyang si Esarhadon at kinuha nitong katulong sa palasyo ang pamangkin kong si Ahikar na anak ni Hanael. Ginawa siyang tagapamahala ng kayamanan ng buong kaharian.
22 Dahil kay Ahikar, nakabalik ako sa Nineve. Noon pa mang buhay si Haring Senaquerib ng Asiria, si Ahikar ay naglilingkod na sa palasyo bilang tagapaghanda ng inumin ng hari, tagapag-ingat ng pantatak, tagapamahala at ingat-yaman pa. Ang mga tungkulin ding nabanggit ang ipinagkatiwala sa kanya ng bagong hari. Dahil sa pamangkin ko si Ahikar, pinuri niya ako sa hari kaya't pinayagan ako ng hari na makabalik sa Nineve.