1 Samantala, si Tobit na ama ni Tobias ay inip na inip na, sapagkat lampas na ang takdang araw ng pagbabalik ng kanyang anak at ng kasama nito.
2 Nasabi niya, “Ano kayang nangyayari kay Tobias? Baka pinigil na siya roon! Baka naman kaya patay na si Gabael at walang magbigay sa kanya ng salaping inilagak ko roon!”
3 Alalang-alala si Tobit.
4 Dahil dito'y sinabi ni Ana, “Tiyak na patay na ang anak ko!” At napahagulgol at nagdalamhati siya dahil sa inaakalang sinapit ng anak.
5 “O, anak ko,” ang sabi ng ina, “ligaya ng aking buhay. Bakit kita pinahintulutang umalis sa piling ko!”
6 Ngunit inaliw siya ni Tobit, “Huwag kang mag-alala, mahal ko; tiyak na buháy pa ang ating anak. Marahil ay mayroon lamang silang gawaing hindi maiwasan doon. Ang kasama naman niya sa paglalakbay ay isang taong mapagkakatiwalaan, isang kamag-anak. Kaya huwag kang mamighati sa kanya. Tiyak na darating siya.”