Tobit 14:2-8 MBB05

2 Animnapu't dalawang taon siya nang mabulag at nang gumaling ay umunlad nang gayon na lamang ang kanyang buhay. Patuloy ang kanyang pagkakawanggawa at pagpupuri sa kadakilaan ng Diyos.

3 Bago siya namatay, tinawag niya si Tobias at ang pitong anak nito. “Umalis kayong madali,” ang utos niya, “ang mga apo ko'y

4 dalhin mo agad sa Media. Naniniwala ako sa sinabi ng Diyos kay Nahum tungkol sa Nineve. Ang sinabi ng kanyang mga propeta ay tiyak na mangyayari, at ang Asiria at Nineve ay parehong paparusahan. Lahat ng pahayag ay matutupad sa takdang panahon. Mapanganib sa Asiria at Babilonia kaya doon na kayo magpunta sa Media.“Ang mga kababayan natin sa Israel ay paaalisin sa mabuting lupain at itatapon sa ibang bansa. Ang buong bansa ng Israel pati na ang Samaria at Jerusalem ay mangungulila. Matutupok ang Templo ng Diyos, at pansamantalang magiging mapanglaw!

5 Ngunit ang Diyos ay mahahabag na muli sa mga Israelita at ibabalik sila sa Israel. Itatayo nilang muli ang Templo, ngunit hindi tulad ng dati, sapagkat hindi pa natatapos ang takdang panahon. Pagdating ng panahong iyon, kapag ang lahat ay nasa Israel na, pagagandahin na nila ang Jerusalem. Ang Templo ng Diyos ay gagawin nang maayos at panghabang-panahon, sang-ayon sa pahayag ng mga propeta ng Israel.

6 Mahihikayat ang lahat ng bansa sa daigdig at ang Diyos ay sasambahin na nila sa tamang paraan. Tatalikuran na nila ang mga diyus-diyosan na luminlang sa kanila.

7 Sa matuwid na paraa'y magpupuri na sila sa Diyos na walang hanggan. Magtitipon sa Jerusalem ang lahat ng Israelita na sa panahong iyon ay maghahangad na maligtas. Doon sa lupain ni Abraham na ibibigay sa kanila, hindi sila mababahala. Magagalak ang lahat ng tapat na umiibig sa Diyos, ngunit ang mga makasalanan at di-makatarungan ay lubos na lilipulin sa lupain.

8 “Mga anak, ito ang iiwan kong utos sa inyo: Maglingkod kayo nang tapat sa Diyos at mamuhay nang karapat-dapat sa harapan niya.