Tobit 14:5-11 MBB05

5 Ngunit ang Diyos ay mahahabag na muli sa mga Israelita at ibabalik sila sa Israel. Itatayo nilang muli ang Templo, ngunit hindi tulad ng dati, sapagkat hindi pa natatapos ang takdang panahon. Pagdating ng panahong iyon, kapag ang lahat ay nasa Israel na, pagagandahin na nila ang Jerusalem. Ang Templo ng Diyos ay gagawin nang maayos at panghabang-panahon, sang-ayon sa pahayag ng mga propeta ng Israel.

6 Mahihikayat ang lahat ng bansa sa daigdig at ang Diyos ay sasambahin na nila sa tamang paraan. Tatalikuran na nila ang mga diyus-diyosan na luminlang sa kanila.

7 Sa matuwid na paraa'y magpupuri na sila sa Diyos na walang hanggan. Magtitipon sa Jerusalem ang lahat ng Israelita na sa panahong iyon ay maghahangad na maligtas. Doon sa lupain ni Abraham na ibibigay sa kanila, hindi sila mababahala. Magagalak ang lahat ng tapat na umiibig sa Diyos, ngunit ang mga makasalanan at di-makatarungan ay lubos na lilipulin sa lupain.

8 “Mga anak, ito ang iiwan kong utos sa inyo: Maglingkod kayo nang tapat sa Diyos at mamuhay nang karapat-dapat sa harapan niya.

9 Turuan ninyo ang inyong mga anak ng mabuting gawain at sanaying magkawanggawa. Huwag nilang kalilimutan ang Diyos, at buong puso at masigasig na magpuri sa kanyang pangalan.“Tungkol naman sa iyo, Tobias, ito ang aking masasabi: Huwag kang mananatili rito, anak. Umalis ka agad sa Nineve

10 sa araw na ang iyong ina ay mailibing na kasunod ko. Kahit isang gabi'y huwag ka nang mananatili sa palibot ng lunsod na ito. Ang nakikita ko rito'y lahat ng uri ng kasamaan at panlilinlang na hindi man lamang ikinahihiya. Isip-isipin mo na lang ang ginawa ni Nadab kay Ahikar, ang taong nagpalaki sa kanya. Si Ahikar ay inilibing na buháy! Ngunit pinagbayaran ito ni Nadab; nasadlak siya sa walang hanggang kadiliman, samantalang si Ahikar ay umahong buháy. Iyon ang napala niya sa pagtatangka sa buhay nito. Sa patibong ni Nadab ay naligtas si Ahikar, sapagkat ito'y mapagkawanggawa. Si Nadab ang nahulog sa sariling bitag at siya ang namatay.

11 Iyan, mga anak, ang kabutihan ng pagkakawanggawa; samantalang ang kawalang-katarungan ay pumapatay sa sarili. Nararamdaman kong malapit na akong mamatay.”Si Tobit ay dinala sa kanyang higaan at doon namatay. Binigyan siya ng isang marangal na libing.