Tobit 5:5-11 MBB05

5 Kaya't tinanong niya kung tagasaan ito. “Israelita ako,” sagot ni Rafael. “Malayo mo akong kamag-anak, at pumunta ako rito sa Nineve upang maghanap ng trabaho.”“Alam po ba ninyo ang patungo sa Media?” tanong ni Tobias.

6 “Aba, Oo,” tugon ng anghel. At sinabi pa nito, “Sanay ako sa pagpunta roon. Alam ko ang lahat ng daang patungo roon. May kamag-anak pa nga akong madalas dalawin doon! Si Gabael na taga-Rages, Media. Ang Rages ay dalawang araw na lakbayin mula sa Ecbatana, sapagkat ang Rages ay nasa kabundukan at ang Ecbatana ay nasa gitna ng kapatagan.”

7 Nang marinig ito ni Tobias, sinabi niya sa kausap, “Maaari bang hintayin mo ako sandali? Ikaw ang taong kailangan kong makasama; babayaran kita. Magsasabi lang ako sa ama ko.”

8 “Payag ako; dalian mo lang,” tugon ni Rafael.

9 Nagbalik si Tobias at sinabi sa kanyang ama ang nangyari. Sabi niya, “Nakakita na po ako ng lalaking makakasama at isa pa nating kamag-anak!”“Tawagin mo siya,” sabi ni Tobit, “nais kong malaman kung kaninong lahi siya nagmula at kung siya'y mapagkakatiwalaan upang samahan ka.”Nagbalik si Tobias kay Rafael at sinabi rito, “Nais kang makausap ng aking ama.” Nagpunta naman si Rafael, at pagpasok sa bahay, binati agad siya ni Tobit.“Magandang araw po!” tugon naman ni Rafael.“Ano ba ang maganda sa buhay ko?” sabi ni Tobit. “Bulag ako, at hindi ko maaninag ang liwanag na kaloob ng Diyos; para na akong patay na nananatili sa kadiliman! Nakakarinig nga ng tinig, ngunit hindi naman makita ang nagsasalita.”“Huwag po kayong mawalan ng pag-asa,” tugon naman ni Rafael, “pagagalingin kayo ng Diyos.”Matapos marinig ito'y sinabi ni Tobit, “Si Tobias ay gustong magpunta sa Media ngunit hindi niya alam ang daan. Puwede bang samahan mo siya? Huwag kang mag-alala; babayaran kita, anak!”Sumagot si Rafael, “Puwede ko po siyang samahan. Lahat po ng daang patungo roo'y alam ko. Madalas po akong magpunta sa Media at natawid ko nang lahat ang mga kapataga't kabundukang papunta roon.”

10 Tinanong siya ni Tobit, “Huwag kang magagalit, anak; tagasaan ka ba at kaninong lahi ka nagmula?”

11 “Bakit po kailangan pa ninyong malaman ang aking pagkatao?” tugon ni Rafael.Sumagot si Tobit, “Mabuti nang malaman ko kung sino ka at kung sino ang iyong angkan.”