12 Si Sara ay matalino, buo ang loob at maganda; mabuting tao rin ang kanyang ama. Mamayang gabi'y kakausapin ko ang kanyang ama. Hihilingin kong ipakasal sa iyo ang kanyang anak. Pagbalik natin mula sa Rages, maghahanda tayo ng malaking salu-salo. Hindi ka bibiguin ni Raguel, sapagkat alam niyang kung hindi ikaw, na siyang may karapatan, ang mapapangasawa ng kanyang anak, pananagutan niya ito ayon sa Kautusan ni Moises. Kaya, sundin mo ako, kapatid. Mamayang gabi'y magkasama tayong mamamanhikan sa kanila. Pag-uwi natin sa Rages isasama na natin siya.”
13 Sa panukalang ito'y tumutol si Tobias. Sinabi niya, “Hindi ako papayag, Azarias! Umabot sa kaalaman ko na ang babaing iya'y pito na ang naging asawa, at sisiping pa lang ay namamatay na sila.
14 Balita ko pa'y demonyo ang pumapatay sa mga iyon. Natatakot ako. Hindi nito sinasaktan ang babaing iyon, subalit sinumang lalaki ang magtangkang lumapit ay pinapatay niya. Alam mong ako'y kaisa-isang anak at kung ako'y masasawi, para ko nang itinulak sa hukay ang aking ama't ina. Wala na akong kapatid na maglilibing sa kanila!”
15 Sumagot si Rafael, “Nalimutan mo na ba, Tobias, ang bilin ng iyong ama? Sinabi niyang sa iyong mga kamag-anak ka kukuha ng mapapangasawa! Makinig ka sa akin, at huwag mong intindihin ang demonyong iyon. Pakasalan mo si Sara, sapagkat ngayong gabi ay mapapasaiyo ang kanyang kamay!
16 Pagpasok mo sa kanyang silid, dalhin mo ang atay at puso ng isdang nakuha mo. Sunugin mo iyon
17 at kapag naamoy ng demonyo ang usok, tatakas agad ito at hindi na babalik. Bago kayo magsiping, manalangin muna kayong dalawa. Tumayo kayo upang manalangin at hilingin ninyo sa Panginoon na kahabagan kayo at iligtas. Huwag kang matakot, sapagkat si Sara ay itinakda na para sa iyo bago pa likhain ang sanlibutan. Ililigtas mo siya at sasama siya sa iyo. Tinitiyak kong magkakaanak kayo. Huwag kang mag-alala.”Matapos maipaliwanag ni Rafael na si Sara ay kamag-anak niya, minahal na ni Tobias ang dalaga at itinalaga na niya ang sarili na mapangasawa ito.