48 Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito.
49 Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’
50 Sa gayon, pananagutan ninyong mga nabubuhay sa panahong ito ang pagpatay sa lahat ng mga propetang pinatay mula nang likhain ang daigdig,
51 magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Templo. Oo, sinasabi ko sa inyo, kayong mga nabubuhay sa panahong ito, mananagot kayo sa kanilang pagkamatay.
52 “Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.”
53 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, nagsimula na siyang tuligsain ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo. Malimit nilang tanungin siya tungkol sa maraming bagay
54 upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.