Lucas 20 RTPV05

Pag-aalinlangan sa Kapangyarihan ni Jesus

1 Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nagpapahayag ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan.

2 Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?”

3 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung

4 kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”

5 Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’

6 Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.”

7 Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!”

8 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.”

Ang Talinhaga ng Ubasan at sa mga Katiwala

9 Nangaral muli siya sa mga tao at isinalaysay ang talinhagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Iniwan niya iyon sa mga katiwala at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon.

10 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa ubasan ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang kaparte. Ngunit binugbog ng mga katiwala ang alipin at pinauwing walang dala.

11 Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala.

12 Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan.

13 Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa yata'y ang minamahal kong anak ang papupuntahin ko. Tiyak na siya'y igagalang nila.’

14 Ngunit nang makita ng mga katiwala ang anak ng may-ari ng ubasan, nag-usap-usap sila at ang sabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’

15 Siya'y inilabas nga nila sa ubasan at pinatay.“Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus.

16 “Pupunta siya roon at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ipagkakatiwala niya sa iba ang ubasan.”Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong ipahintulot ng Diyos!”

17 Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng talatang ito sa kasulatan,‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahayang siyang naging batong-panulukan’?

18 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.”

Tungkol sa Pagbabayad ng Buwis

19 Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang pinapatamaan niya sa talinhaga, ngunit natakot sila sa mga tao.

20 Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon, maisasakdal siya sa gobernador.

21 Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao.

22 Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?”

23 Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya,

24 “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakatatak dito?”“Sa Emperador po,” tugon nila.

25 Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”

26 Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkagulat sa kanyang sagot.

Katanungan Tungkol sa Muling Pagkabuhay

27 Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay.

28 Sabi nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’

29 Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak.

30 Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak.

31 Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak.

32 Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae.

33 Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?”

34 Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa.

35 Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa.

36 Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay.

37 Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’

38 Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y buháy ang lahat.”

39 Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!”

40 At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.

Katanungan Tungkol sa “Anak ni David”

41 Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga taong ang Cristo ay anak ni David?

42 Si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,“Maupo ka sa kanan ko,

43 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

44 Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga taong siya'y anak ni David?”

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan

45 Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad,

46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong maparangalan sa mga liwasan. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan.

47 Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24