1 Nang matapos turuan ni Jesus ang mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum.
2 Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan.
3 Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin.
4 Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo
5 sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.”
6 Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan,
7 ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking alipin.
8 Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.”
9 Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
10 Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin.
11 Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao.
12 Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming nakikipaglibing.
13 Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag ka nang umiyak.”
14 Nilapitan niya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay at tumigil naman ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, makinig ka sa akin, bumangon ka!”
15 Naupo ang binata at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.
16 Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa kalagitnaan natin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!”
17 At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus.
18 Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila
19 at pinapunta sa Panginoon upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba.
20 Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.”
21 Nang mga sandaling iyon, si Jesus ay nagpapagaling ng mga maysakit at mga may matinding karamdaman at mga sinasapian ng masasamang espiritu. Marami ding mga bulag ang pinagkalooban niya ng paningin.
22 Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.
23 Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
24 Habang papaalis ang mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na iniuugoy ng hangin?
25 Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may mamahaling damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari.
26 Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta.
27 Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan:‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo,upang ihanda ang iyong daraanan.’
28 Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa mga pinaghaharian ng Diyos.”
29 Ang lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan.
30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio na ayaw magpabautismo ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila.
31 Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila?
32 Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!Narinig ninyo kaming tumangis, ngunit hindi kayo nakiiyak!’
33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’
34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’
35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng lahat ng taong namumuhay ayon doon.”
36 Minsan, si Jesus ay naanyayahang kumain sa bahay ng isang Pariseo. Pumunta naman siya at dumulog sa hapag.
37 Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro.
38 Umiiyak siyang lumapit sa paanan ni Jesus, at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa nito. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok ang mga paa ni Jesus, hinalikan ito at binuhusan ng pabango.
39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”
40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.
41 Kaya't nagpatuloy si Jesus, “May dalawang taong umuutang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa.
42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus.
44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng sarili niyang buhok.
45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa.
46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa.
47 Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin lang ang nadaramang pagmamahal.”
48 At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?”
50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”