15 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”
16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin.
17 Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani!
18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian.
19 Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpasarap sa buhay!’
20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’
21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”