33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nawawala. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira.
34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”
35 “Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan.
36 Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto.
37 Mapalad ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan.
38 Mapalad sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man.
39 Sinasabi ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito.