1 Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig.
2 Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito.”
3 Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito.
4 “Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan?
5 Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin.
6 Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’
7 Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”