20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagsisimula ng paghahari ng Diyos,
21 at wala ring magsasabing nagsimula na ito dito o doon. Sapagkat ang totoo'y naghahari na ang Diyos sa inyo.”
22 At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita.
23 May magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narito siya!’ Huwag kayong pumunta at huwag kayong maniniwala sa kanila.
24 Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap.
25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito.
26 Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe.