23 May magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narito siya!’ Huwag kayong pumunta at huwag kayong maniniwala sa kanila.
24 Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap.
25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito.
26 Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe.
27 Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat.
28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay.
29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat.