26 Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe.
27 Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat.
28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay.
29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat.
30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.
31 “Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa.
32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot.