23 Bakit hindi mo na lamang idiniposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’
24 At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’
25 ‘Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila.
26 ‘Sinasabi ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa.
27 Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’”
28 Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus papuntang Jerusalem.
29 Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa sa kanyang mga alagad.