35 Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila.
36 Habang siya'y nakasakay sa asno at naglalakbay papunta sa lunsod, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan.
37 Nang siya'y malapit na sa lunsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan.
38 Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!”
39 Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin nga po ninyo ang inyong mga alagad.”
40 Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang siyang sisigaw.”
41 Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito'y kanyang tinangisan.