14 Ngunit nang makita ng mga katiwala ang anak ng may-ari ng ubasan, nag-usap-usap sila at ang sabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’
15 Siya'y inilabas nga nila sa ubasan at pinatay.“Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus.
16 “Pupunta siya roon at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ipagkakatiwala niya sa iba ang ubasan.”Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong ipahintulot ng Diyos!”
17 Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng talatang ito sa kasulatan,‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahayang siyang naging batong-panulukan’?
18 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.”
19 Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang pinapatamaan niya sa talinhaga, ngunit natakot sila sa mga tao.
20 Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon, maisasakdal siya sa gobernador.