25 “Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat.
26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit.
27 Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan.
28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang inyong katubusan.”
29 At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinhaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy.
30 Kapag nagkakadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw.
31 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos.