13 Pumunta nga sila at natagpuan nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa.
14 Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol.
15 Sinabi niya sa kanila, “Nagagalak ako na makasama kayo sa hapunang ito bago ako maghirap.
16 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.”
17 Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian.
18 Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga't hindi dumarating ang kaharian ng Diyos.”
19 Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”