20 Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.
21 “Ngunit kasalo ko rito ang magtataksil sa akin.
22 Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kakila-kilabot ang daranasin ng taong magkakanulo sa kanya.”
23 At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon.
24 Nagtatalu-talo pa ang mga alagad kung sino sa kanila ang kikilalaning pinakadakila.
25 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay pinapanginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik.
26 Ngunit hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod.