31 “Simon, Simon! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa pag-aalis ng ipa sa mga trigo.
32 Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.”
33 Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!”
34 Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.”
35 Pagkatapos nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?”“Hindi po,” tugon nila.
36 Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may bag o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak.
37 Sinasabi ko sa inyo, dapat mangyari sa akin ang sinasabi ng Kasulatan, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.”