2 Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na sinusulsulan ng taong ito ang aming mga kababayan upang maghimagsik. Ang mga tao ay pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador at nagpapanggap pa siyang siya raw ang Cristo, na siya ay isang hari.”
3 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”“Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus.
4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”
5 Ngunit mapilit sila at sinasabing, “Sa pamamagitan ng kanyang mga katuruan ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.”
6 Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga.
7 At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon.
8 Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon.